Naka-graduate na sa 4 Ps Program o Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang 1, 208 benepisyaryo sa Taguig City.

News Image #1

(Larawan mula sa FB Page: Lani Cayetano)

Sa post ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, sinabi nitong ang patotoo ng mga benepisyaryo sa mga pagbabagong nangyari sa kanilang buhay makalipas na matulungan ng proyektong ito ng pamahalaan ay nakakataba ng puso.

"With the help of complementing City programs na natamasa nila gaya ng scholarships, skills trainings--ang noo'y nakatira sa barong barong, ngayon ay may naipatayo nang sariling bahay, may second floor pa! Yung dating walang wala, ngayon mayroon nang sariling maliit na negosyo. At higit sa tulong pinansyal, binigyan sila ng programa ng dignidad," ayon sa alkalde ng Taguig.

News Image #2

(Larawan mula sa FB Page: Lani Cayetano)

Pinuri ni Cayetano ang kasipagan, dedikasyon at pagseseryoso sa oportunidad ng mga benepisyaryo ng 4 Ps.

Tiniyak ni Cayetano na kahit natapos na ang programa para sa mga ito, tuloy-tuloy pa rin ang pagsubaybay sa mga benepisyaryong naka-graduate sa programa bilang bahagi ng kanilang "aftercare program."

Ang 4Ps ay isang conditional cash transfer program sa bansa na nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap na pamilya.

News Image #3

(Larawan mula sa DSWD)

Layunin nitong mabawasan ang mga naghihirap sa pamamagitan ng pamumuhunan sa kalusugan at edukasyon ng mga bata at buntis na kababaihan.

Kabilang sa mga tulong na ibinibigay sa ilalim ng 4Ps na natatanggap tuwing ika-dalawang buwan ay ang mga sumusunod:
Health Grant: ₱750 bawat pamilya
Education Grant: ₱300 bawat buwan para sa mga batang nasa elementarya, ₱500 kada buwan sa nasa junior high school ang anak, at ₱700 bawat buwan para sa batang nasa senior high school children
Rice Subsidy: ₱600 bawat buwan sa isang pamilya.

Ang programa ay nagtatagal hanggang sa ang minomonitor na bata ay naging 19 anyos na, nakatapos ng high school o ang pamilya ay nakaabot n ng 7 taon sa programa.

Sa 2024 General Appropriations Act (GAA), binigyan ng alokasyong ₱106.335 bilyon ang 4Ps program na ang intensyon ay matulungan ang 4.4 milyong pamilya, sa pamumuno ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga maaaring makasali sa program ay ang naklasipika na mahirap o malapit nang maghirap batay sa Standardized Targeting System at sa poverty threshold na inisyu ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa panahon ng pamimili, may mga miyembro ng pamilyang nasa pagitan ng edad zero hanggang 18, o may mga miyembrong buntis sa panahon ng rehistrasyon, at susunod sa lahat ng kondisyon ng programa.

Kabilang naman sa mga kondisyon ay ang mga bata sa pamilya na edad 3 hanggang 18 ay dapat na naka-enroll sa eskwelahan, may 85% attendance rate sa bawat school year, kailangang nagpapa-deworming ang mga elementary at high school na bata ng dalawang beses sa isang taon, ang mga batang 0 hanggang 5 taong gulang ay kailangang nababakunahan ng regular at tinitimbang, ang mg buntis ay kailangang may prenatal at post-natal health check-up, ang mga manganganak ay kailangang sa propesyonal na healthcare provider magpapaanak, at ang mga magulang ng mga benepisyaryo ay kailangang dumadalo ng Family Development Sessions.