Binigyan ng libreng prangkisa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang mga tricycle drivers at operators ng EMBO (enlisted men's barangay) makalipas ang 10 taong paghihintay ng mga ito.

News Image #1



1, 300 mga tricycle units na pag-aari ng iba't ibang EMBO tricycle operators at drivers associations (TODA) ang ginawaran ng libreng prangkisa noong Mayo 23, 2024 sa Benigno "Ninoy" S. Aquino High School sa Barangay Comembo, Taguig City.

News Image #2


Tinanggap ng mga presidente ng 34 EMBO TODA ang kanilang Motorized Tricycle Operator's Permits (MTOP), isang mahalagang dokumento upang legal nilang maibiyahe ang kanilang mga tricycle sa Taguig.

News Image #3


Sa pahayag ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, sinabi niyang ang legal na operasyon ay napakahalaga.

"Ang ibinibigay po sa inyo ng City of Taguig ay hindi lamang ordinaryong prangkisa, pati na rin ang tiwala - at alam po natin bilang mga Pilipino, ang tiwala ay priceless. Sundin po natin ang mga batas at alituntunin at laging isalang-alang ang safety ng ating mga mananakay. Mangako po tayo na maging responsableng miyembro ng ating mga asosasyon."

Nagpasalamat naman ang mga TODA sa ginawa ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig lalo na at libre ang kanilang prangkisa.

(Mga larawan mula sa Taguig PIO)