Dalawang dayuhang takas sa batas ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at ngayon ay nakadetine na sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Naaresto sa C. Santos Street, Bgy. Tambo, Parañaque City noong Hulyo 3, 2024 si Deng Hongfu, 32 taong gulang, na wanted sa China dahil sa kanyang negosyo na ilegal na pagbebenta ng shares of stocks.

May inilabas na warrant of arrest laban kay Deng ang public security bureau sa Chibi City, China kung saan ito ay kinasuhan na simula pa noong 2018.

Wanted din si Deng sa BI dahil ito ay hindi dokumentadong dayuhan makaraang makansela na ang pasaporte nito ng pamahalaan ng China.

Napag-alaman na dumating si Deng sa Pilipinas noong Marso 8, 2019 at hindi na umalis sa bansa simula noon.

Isa pang dayuhan ang naaresto, na isa namang 50 taong gulang na Amerikano, sa tinitirhan nito sa Angela Village, Bgy. Talon Kuatro, Las Piñas City noon ding Hulyo 3.

Si Mark Andrew Baldwin ay may warrant of arrest mula sa superior court sa Cherokee county, Georgia dahil sa ilegal na pag-iingat ng baril at bunga rin ng hindi nito pinagsilbihang taon ng pagkakulong. Kinansela rin ng State Department ang pasaporte ni Baldwin.