Mataas ang tsansang maging bagyo ang dalawang low pressure areas (LPA) kung saan ang isa ay nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
(larawan ng PAGASA)
Sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ang nakapasok nang LPA sa PAR ay nakita 830 kilometro sa silangan-hilagang-silangan ng Hilagang Luzon. Kumikilos ito pakanluran patungo sa Taiwan at Batanes.
Ang LPA naman na nasa labas pa ng PAR ay na-monitor ng PAGASA na nasa 2, 425 na kilometro silangan ng Silangang Visayas at tinatayang papasok sa PAR ng Miyerkules o Huwebes kung patuloy itong kikilos pa-hilaga-kanluran.
Ang dalawang binabantayang LPA, kung sakaling magiging ganap na bagyo, ay papangalanang Ferdie at Gener.
Sa kabila ng dalawang LPA, sinabi ng PAGASA na ang habagat ay hindi gaanong makakaapekto sa kabuuan ng bansa ngayong Martes. Subalit inaasahan pa rin ang pag-ulan na dala ng habagat sa kanlurang bahagi ng Hilagang Luzon at Gitnang Luzon.
Bumabangon pa lamang ang bansa mula sa tindi ng sinapit sa bagyong Enteng kung saan sinasabing 20 katao ang nasawi at nakalikha ng pagkasira sa imprastrakturang umabot na sa P698.9 milyon.
2 Low Pressure Areas, Mataas ang Tsansang Maging Bagyo | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: