Isang 64 taong gulang na babaeng taga-Barangay New Lower Bicutan ang nahulihan ng hinihinalang shabu na nakatago sa kanyang sapatos.

News Image #1


Ang matandang babae ay bibisita sana sa kanyang anak na nasa Taguig City Jail Female Dormitory nang malaglag mula sa kanyang sapatos ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

News Image #2


Nakita mismo ng isang jail guard ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nang lumabas sa sapatos ng matanda ang naturang droga.

Mahaba ang suot nitong damit subalit nakita pa rin ng jail guard ang nalaglag na plastic na may lamang 0.13 gramo ng hinihinalang shabu.

Itinanggi ng babae na sa kanya ang droga. Ayon sa kanya, bago nangyari ito ay dumalo siya sa isang mass wedding sa isang basketball court at doon nawala ang kanyang sapatos. Nang makita niya aniya ito ay nasa basurahan, at saka niya isinuot.

Ayon naman sa jailguard, nalaglag ang hinihinalang droga nang ipatanggal niya ang sapatos nito habang sinisiyasat.

Ang bibisitahin nyang anak sa Taguig City Jail Female Dormitory ay dalawang taon nang nakakulong doon dahil din sa droga.

Inaresto at sinampahan ng kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang matanda at ikinulong sa Taguig City Police Substation 10.