"Kapit lang, walang bibitaw." Ito ang malamang pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay para sa mga mamamayan ng sampung barangay sa Makati City na ngayon ay malilipat na sa Taguig City.
Sinabi ni Binay na mahigit 300, 000 na mga residente ang maaapektuhan ng paglipat ng mga barangay ng mga ito sa Taguig makaraang magdesisyon ang Korte Suprema na ang Taguig ang tunay na nagmamay-ari sa Fort Bonifacio Military Reservation na kinabibilangan ng parcels 3 and 4, Psu-2031, kasama na ang pinagtatalunang sampung barangay.
Sinabi ni Binay sa isang video message na inilabas sa opisyal na Facebook page ng Makati na makikipag-ugnayan ang kanyang pamahalaang lungsod sa mga sangay at ahensya ng pambansang pamahalaan upang mapag-usapan ang kalagayan ng mga apektadong mamamayan.
"Hahanap kami ng paraan para maipagpatuloy ng Makati ang pagtulong at paglilingkod sa inyo," ayon kay Binay.
Sinabi pa ni Binay na hindi ang tungkol sa Bonifacio Global City (BGC) o pulitika ang dahilan ng kanyang pag-aalala kung hindi ang kapakanan ng mga Makatizens. Inamin ni Binay na masakit sa kanya na mahiwalay sa mahigit 300, 000 Makatizens na aniya ay sa mahabang panahon ay nakasama nila sa pagbangon at pag-unlad ng Makati.
Ang edukasyon ng mga batang mag-aaral at ang kalusugan ng mga Makatizens aniya ang kanyang inaalala sa paglipat sa Taguig.
"Nababahala ako para sa mga may sakit na inaaruga sa aming mga health center at Ospital ng Makati o OsMak; silang nabibigyan ng mga benepisyo at dekalidad pero libreng serbisyong pangkalusugan na tanging sa Makati lang matatanggap. Paano na ngayon sila?" ang tanong ni Binay.
Inaalala rin niya aniya ang mga senior citizens ng District 2 sa Makati na nasasakupan ng 10 barangay na malilipat sa Taguig City. Aniya, naglaan ang Makati ng mahigit P9 na bilyon para sa kapakanan ng mga matatanda, mga batang mag-aaral at iba pang residente ng ikalawang distrito.
Kinwestiyon din ni Binay ang hindi naibibigay na todong mga serbisyo ng pamahalaang lungsod ng Taguig para sa mga mamamayan nito sa kanila ng malaking kitang nakokolekta mula sa BGC.
"Sa aking palagay, pwede namang ibigay ang mga ito sa mga taga-Taguig. Ang sabi ng kanilang local government, malaki ang kinikita nila sa BGC. Ngunit bakit hindi nila ito ginagawa? Hindi ba dapat lang na maging bahagi ang mga taga-Taguig sa pagyaman ng Taguig?" dagdag pa ni Binay.
Tiniyak ng alkalde na sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon, pipilitin pa rin niyang matulungan ang mga mamamayan ng sampung barangay na apektado ng desisyon ng Korte Suprema.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Cembo, Comembo, Pembo, East Rembo, West rembo, Sout Cembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, Rizal, at ang Fort Bonifacio kung saan naroon ang BGC.
10 Barangay ng Makati na Malilipat sa Taguig, Tutulungan pa rin ni Binay | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: