Labindalawang lugar sa bansa ang makakaranas ng mapanganib na init ngayong Biyernes, Abril 19, 2024, batay sa pagtataya ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
(Kuha ni Dek Terante)
Ang dangerous level ng heat index ay mula 42 degrees Celsius hanggang 51 degrees Celsius kung saan maaaring makaranas ang mga tao ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Bahagya namang bababa sa 40 degrees Celsius ang mararanasang init sa Metro Manila, sa pagtataya ng PAGASA sa istasyon nito sa NAIA, Pasay City. Mararanasan din ang ganitong init sa silangang bahagi ng Metro Manila, kabilang na ang Taguig City na nasa timog-silangang bahagi.
Ang pinakamataas na heat index ngayong Biyernes ay 44 degrees Celsius na maitatala sa istasyon nito sa Ambulong, Tanauan, Batangas at sa Aborlan, Palawan.
(Art card ng Pagasa)
Ang Sangley Point, Cavite; Dagupan, Pangasinan; Puerto Princesa, Palawan; Roxas City, Capiz; Iloilo, Iloilo; at Dumangas, Iloilo ay makakaranas naman ng 43 degrees Celsius ngayong araw na ito.
Forty two degrees Celsius naman ang mararanasan ng Bacnotan, La Union; Tuguegarao City, Cagayan; Pili, Camarines Sur; at Dipolog, Zamboanga del Norte.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga mamamayan na limitahan ang pananatili sa labas ng bahay lalo na sa kasagsagan ng init mula alas 9:00 ng umaga hanggang alas 3:00 ng hapon; uminom ng maraming tubig at iwasan ang tsaa, kape, softdrinks at alak; magsuot ng sombrero o magpayong kapag kailangang maglakad sa init; iwasang magtrabaho ng mabibigat kapag kasagsagan ng init.
Kung makakaranas ng panghihina o pagkahimatay dahil sa sobrang init, pinayuhan ng Department of Health ang mga mamamayan na ilipat ang pasyente sa malilim, mahangin at malamig na lugar, tanggalin ang damit na panlabas, lagyan ng cold compress o ice pack ang isang naiinitan, at kung gising ang pasyente, painumin ito ng tubig na paunti-unti. Tumawag agad ng sasaklolo at dalhin sa ospital ang pasyente kung kinakailangan.
12 Lugar sa Bansa ang Makakaranas ng Mapanganib na Init Ngayong Biyernes; Ang Silangang Bahagi ng Metro Manila Kasama ang Taguig City ay 40 Degrees Celsius | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: