Na-entrap sa isang bahay sa Barangay Central Signal, Taguig City ang isang lalaki na nagtangkang magbenta ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu noong Oktubre 6, alas 10:50 ng gabi.

Nakumpiska kay alyas Batoy ang pitong sachet na may lamang puting kristal na hinihinalang shabu na may bigat na 20 gramo at may street value na ₱136, 000.

News Image #1


Nabawi rin ang ₱200 na ginamit na buy bust money.

Ang naarestong si alyas Batoy ay nakadetine na ngayon sa
Station Custodial Facility ng Taguig City Police Station.

Pinuri ni Southern Police District Director Brig. Gen. Roderick Mariano ang pagiging masigasig ng kapulisan ng Taguig na mapahinto ang pagkalat ng ilegal na droga sa syudad.

"Sa pangunguna ng ating mga tapat na kasamahan sa kapulisan, patuloy tayong nagmamasid at nakatutok sa aming mga operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kahandaan ng ating distrito. Ipinapahayag namin ang aming determinasyon na ipagpatuloy ang aming mga pagsisikap upang labanan ang iligal na droga at mabawasan ang mga salot na dulot nito sa ating komunidad. Kami ay nakatuon sa aming tungkulin na magkaroon ng ligtas at mapayapang pamumuhay para sa lahat ng mamamayan ng Southern Police District," ayon kay Mariano.

(Photo by Southern Police District)