Vat-exempt na ang labingapat na gamot laban sa mga sakit tulad ng kanser, diabetes at tuberculosis. Nangangahulugan itong mas bababa na ang presyo ng mga gamot na ito dahil hindi na papatawan ng 12% value added tax (VAT) kapag binili.

News Image #1

(Larawan ni Vera Victoria)

Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na inaprubahan nila ang pagging vat-exempt ng 14 na gamot na inendorso ng Food and Drug Administration ng Department of Health.

Kabilang sa mga bagong nasa listahan ng VAT-exempt na mga gamot ay ang para sa pagtaas ng presyon ng dugo tulad ng Losartan Potassium, Candesartan, Losartan Potassium na may Amlodipine at Candesartan Cilexetil.

Ang tatlo namang gamot sa diabetes na wala na ring VAT ay ang Linaglipitin, Sitaglipitin at Metformin Hydrochloride.

Dalawa pang gamot sa sakit sa bato, ang Finerenone 10 mg at Finerenone 20 mg. ay tinanggalan na rin ng VAT at isa sa kanser, ang Denosumab, at isa pa sa tuberculosis, ang Bedaquiline.

Para naman sa sakit sa kaisipan, Vat-free na rin ang Desvenlafaxine, Lurasidone Hydrochloride at Quetiapine.