Isang 16 na taong gulang na estudyanteng lalaki ang nasawi makaraang matabunan ng gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Barangay Bakakeng, Baguio City kahapon, Hulyo 26, sa kasagsagan ng bagyong Egay.

Nakaligtas naman ang kanyang mga magulang subalit may mga sugat matapos na mahukay mula sa gumuhong bahay. Nahukay ang 59 taong gulang na construction worker na ama ng nasawi, at ang 48 taong gulang na ina nito bandang alas 10:30 ng umaga noong Hulyo 26.

News Image #1


Ayon sa Baguio City Public Information Office, ang binatilyo ay na-trap sa kanyang kuwarto at nahukay lamang ng mga tagapagligtas makalipas ang tanghali.

News Image #2


Dalawang kalalakihan naman ang nasugatan subalit nailigtas makaraang gumuho ang lupa sa kanilang barung-barong sa Purok 5 BGH Compound bandang alas 8:00 ng umaga kahapon, Hulyo 26.

Sinabi ni Baguio City Police Director Police Colonel Francis Bulwayan na nailigtas ng mga tauhan ng Kennon Road Police Station 8 ang mga biktima na isang taxi driver at may-ari ng baring barong at ang kanyang 44 taong gulang na trabahador sa car wash na residente naman ng teachers Camp.

News Image #3


Patuloy namang humihina ang bagyong Egay habang kumikilos ito ng pa-hilaga-kanluran sa katubigan ng Batanes. Mayroon na lamang itong lakas na 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na 190 kilometro kada oras.

Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA kagabi ng alas 11:00, ang signal number 3 ay nakataas na lamang sa Bangui, Pagudpud, Burgos at Pasuquin sa Ilocos Norte. Signal number 2 naman sa Cagayan, Babuyan Islands, Kalinga, Abra, ang nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Apayao, Ilocos Sur (Gregorio del Pilar, Magsingal, San Esteban, Banayoyo, Burgos, City of Candon, Santa Lucia, Santiago, San Vicente, Santa Catalina, Lidlidda, Nagbukel, Sinait, Suyo, Sigay, San Ildefonso, Galimuyod, Quirino, City of Vigan, San Emilio, Cabugao, Caoayan, San Juan, Santa, Bantay, Santo Domingo, Santa Cruz, Santa Maria, Narvacan, Salcedo, Tagudin, at Cervantes), at ang kanlurang bahagi ng Mountain Province (Besao, Sagada, Bontoc, Sadanga, Tadian, Sabangan, Bauko) at Batanes.

News Image #4


Signal number 1 naman sa Isabela, nalalabing bahagi ng Mountain Province, Ifugao, Zambales, Pangasinan, Benguet, La Union, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, Quirino, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, hilagang bahagi ng Bataan (Morong, Samal, Orani, Hermosa, Dinalupihan) at sa hilaga ng Bulacan (Hagonoy, Doña Remedios Trinidad, Paombong, City of Malolos, Plaridel, Guiguinto, Pandi, Bustos, Angat, Calumpit, Pulilan, Baliuag, San Rafael, San Ildefonso, at San Miguel).
Posibleng lumabas na ng Pilipinas ngayong Huwebes ng umaga ang bagyong Egay, patungo sa Taiwan Strait at magla-landfall sa Fujian, China sa Biyernes ng umaga.

News Image #5


(Mga larawan mula sa Baguio City PIO, Bureau of Fire Protection, at PAGASA)