Ipinatapon na palabas ng bansa ang 165 Chinese nationals na nakulong sa Bureau of Immigration Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City makaraang maaresto sa isang ilegal na gambling at scamming facility sa Bamban, Tarlac noong Marso.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Umaga ng Mayo 14, 2024, nang isakay sa eroplano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang mga dayuhang naaresto ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa ni-raid na pasilidad sa Bamban kung saan nasabit ang pangalan ng alkalde ng bayan na si Alice Guo.

Bukod sa pagkakasangkot sa pang-i-i-scam, napag-alaman na ang mga dayuhan ay wala ring travel documents at ang iba ay lumampas na sa pinayagang panahon ng pananatili sa bansa.

Dalawa sa mga dayuhan ang hindi nakasama sa idineport ng BI dahil may kinakaharap pang mga kaso sa bansa ang mga ito.

Isinakay ang mga ipinatapong Chinese nationals sa isang Philippine Airlines flight patungo sa Pudong, China.