Naipatapon na palabas ng bansa ang 187 Chinese nationals na nahuli sa magkakahiwalay na operasyon ng mga otoridad laban sa mga ilegal na Philippine online gaming operators (Pogo).

News Image #1

(larawan ng BI)

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang mga Chinese nationals na ito ay napalipad na pabalik sa China noong Disyembre 5, 2024 ng hapon.

Ang mga ito ay nahuli sa operasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission sa Pasay City at Cebu.

Inilagay na sa blacklist ng BI ang mga naturang Chinese nationals at nangangahulugang hindi na makakapasok muli ang mga ito sa Pilipinas.

Dapat ay 190 Chinese nationals ang ide-deport ng BI subalit 187 lamang ang napasakay dahil ang isa sa mga ito ay may hold departure order at ang dalawa naman ay may kinakaharap pang kaso sa bansa.

Noong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ipinag-utos nitong magkaroon ng total ban sa mga POGO sa bansa at binigyan ang mga kasalukuyang nag-ooperate ng hanggang katapusan ng taon upang tapusin na ang kanilang operasyon.