Nagwala ang isang babaeng Vietnamese sa hindi malamang kadahilanan habang nasa harap ng isang Immigration Officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Hulyo 1, 2024.

Ang 19 na taong gulang na Vietnamese na si Ban Thi Van ay pasakay sana ng eroplano ng Cebu Pacific Air patungong Hanoi, Vietnam nang bigla na lamang itong nag-eskandalo sa immigration clearance.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

"During inspection, she aggressively snatched her passport from the immigration officer and caused a scene by throwing herself on the floor while shouting. She reportedly streamed her outburst on social media, and caused disturbance in the immigration departure area," ayon sa pahayag ng Bureau of Immigration (BI),

Humingi ng tulong ang BI sa Border Control and Intelligence Unit, airport police, at sa Philippine National Police's Aviation Security Group para kontrolin ang babae na naglupasay sa sahig habang nagsisigaw at diumano ay kinunan ang sarili para sa social media.

Dinala sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang babae at inaayos na lamang ang mga papeles para sa pagpapatapon nito sa Vietnam.

Noong isang buwan lamang, isa ring babaeng Vietnamese ang lumikha ng eskandalo sa NAIA Terminal 3 nang magtatakbong hubo't hubad patungo sa pinakahuling security checkpoint.