Labingsiyam na mag-asawang senior citizens ng Taguig ang muling ikinasal sa isinagawang renewal of vows sa Convention Center ng New City Hall kahapon, Oktubre 13, kasabay ng selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

News Image #1


Si Taguig City Mayor Lani Cayetano ang nagkasal sa magkakapares na senior citizens ng Taguig na pawing mga nagdiriwang ng kanilang ika-50 o higit pang taon ng pagsasama.

News Image #2


"Noong una kayong humarap, sa dambana 50 years ago upang hilingin ang pagpapala ng Panginoon na kayo ay maikasal ipinangako niyo kayo ay magmamahalan, rerespeto, at magpapahalaga sa isa't isa. Ang 50 years ay napakalawig na panahon. Kayo po ay napakagandang halimbawa sa ating komunidad at sa maraming mag-asawa na sa araw-araw ay nagsusumikap sa kanilang pangako magsama habambuhay," ayon kay Cayetano.

Pagkatapos ng kasal, isang masaganang handaan at kasiyahan ang inihanda ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA). Binigyan din ng tig-25 kilo ng bigas ang mga senior citizen couples na muling ikinasal.

News Image #3


Nagpasalamat si Gertrudes Alowa ng Barangay South Daang Hari kay Cayetano at sa City Council sa pagkakataong ibinigay sa kanila para maipagdiwang nila ang ika-53 taon ng pagsasama ng kanyang kabiyak na si Rogelio.

May payo rin siya sa mga kasalukuyang mag-asawa kaugnay ng pagtatagal ng pagsasama.
"Yung magbibigayan, kapag galit yung isa, dapat magpakumbaba yung isa. Kasi kung pareho mag-iinit, mapupunta sa hiwalayan yan. Yun ang kailangan, magbibigayan ang isa't isa. Kami'y nagpapasalamat mag-asawa kasi kung hindi dahil kay Mayora, hindi namin ito makakamit,"


Nagbahagi rin ng kanyang payo si Napoleon Briñas ng Barangay Bambang na muling ikinasal sa kanyang kabiyak na si Carmen na 50 taon na niyang kasama sa buhay.


"Advice sa bagong kasal: Hindi man tayo perpektong tao, at dumadaan tayo sa panahong nakakagawa ng kasalanan. Ang importante lang po ay marunong kayong humingi ng kapatawaran. At ang lalong importante, ang iyong kasama sa buhay ay nakalaang tumanggap at umunawa dahil sa pagmamahal," ayon kay Briñas.

News Image #4


Ang pamahalaang lungsod ng Taguig ay patuloy na nagbibigay ng tulong at kasiyahan sa mga senior citizens ng Taguig sa pamamagitan ng libreng checkup, gamot, wheelchair, tungkod, hearing aids at pampa-relax sa Center for the Elderly sa Ipil Street Barangay North Signal, Taguig City.

(Photos by Taguig PIO)