Arestado ang dalawang protection agents o body guards makaraang mapag-alamang ilegal na idineploy para magbigay ng serbisyo sa isang Filipino-Chinese na negosyante sa Taguig City.

News Image #1


Ang dalawang lalaki ay naaresto habang binabantayan ang isang Filipino-Chinese na negosyante sa Ogawa Hotpot sa 4th Street, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City noong Hunyo 3, 2024. Nakumpiska sa dalawa ang dalawang armas, limang magazines at 35 rounds ng bala.

News Image #2

(Larawan mula sa PNP SOSIA)

Ayon sa Philippine National Police (PNP) Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), ilang mga nagsasagawa ng ilegal na pagba-body guard, o walang lisensiya o expired na ang lisensya ng mga protection agencies nito, ang nahuhuli nila simula pa noong Mayo 31, 2024.

Inisyuhan din ng Violation Ticket Reports ang mga ahensyang nagde-deploy ng ilegal ng mga protection agents na nagseserbisyo sa mga Pilipino at dayuhan. Ang karaniwang paglabag ng mga ito ay ang kawalan ng License to Exercise Security Profession (LESP) at pagta-trabaho ng walang Authority to Deploy Protection Agent (ADPA) at Special Duty Detail Order (SDDO) na ini-isyu ng SOSIA at ng Police Security and Protection Group (PSPG).

Sinampahan na ang mga pangunahing may kinalaman sa ilegal na pagde-deploy ng mga naturang body guards ng paglabag sa Republic Act 11917 o ang Private Security Services Industry Act sa Taguig City Prosecutors Office noong Hunyo 11, 2024. Kabilang sa sinampahan ang dalawang body guards at ang kanilang ahensya.