Dalawang magkapatid na Cameroon nationals ang naaresto ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division (NBI-CCD) sa Taguig City dahil sa pagkakasangkot sa "black dollar" scam noong Hulyo 9, 2024.

News Image #1

(File photo)

Nahuli ang mga suspek na sina Khan at Awa Fonkam sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City makaraang tugaygayan ng NBI bilang tugon sa reklamo ng isang nabiktima ng mga ito.

Sa "black dollar" scam, kinukumbinsi ng mga kriminal ang mga biktima na magbayad ng malaking halaga para sa diumano ay kemikal na kakailanganin para magmukhang totoong dolyar ang mga pekeng dolyar.

Ayon sa nagreklamo sa NBI, nakipagkita siya sa isang nagpakilalang "Dr. Paul" sa isang hotel sa Makati City noong Hulyo 5, 2024 at nagbigay siya ng P400, 000 kapalit ng diumano ay kemikal na ilalagay sa pekeng dolyar para magmukha itong tunay na dolyar.

Inilagay umano ni "Dr. Paul" ang pekeng pera sa loob ng isang foil na may pulbos kasama ang pekeng dolyar at saka ibinabad sa mainit na tubig. Sinabi ni "Dr. Paul" na kailangang manatiling nakasara ang foil sa loob ng 24 na oras para aniya dumikit ang kemikal.

Dahil nagduda ang nagreklamo, binuksan niya kaagad ang foil pagdating ng bahay at ang nakita lamang niya ay mga itim na papel sa loob ng foil.

Tinawagan niya si "Dr. Paul" at sinabi ng suspek na kailangan silang magkitang muli at magdagdag ng P50, 000 para sa karagdagang kemikal para makumpleto ang pagpapalit ng peke sa tila totoong dolyar.

Nang magkita silang muli noong Hulyo 9, 2024, kasama na ng nagreklamo ang mga tauhan ng NBI na dumampot kay "Dr. Paul" na si Khan Fonkam.

Napag-alaman na dati na rin itong naaresto ng NBI-CCD noong Mayo 31, 2024.

Dinala ang mga naarestong suspek sa Office of the City Prosecutor ng Taguig City para sa inquest proceedings sa kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, at Illegal Possession and Use of False Treasury or Bank Notes and Other Instruments na nasa ilalim ng Article 168 ng Revised Penal Code, na may kaugnayan sa Section 6 ng RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).