Dalawang kababaihang hinihinalang mga Chinese nationals subalit ang hawak na mga dokumento ay pasaporte ng Pilipinas at iba pang dokumento ng Pilipinas ang inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang naghihintay sa eroplanong sasakyan patungong Beijing, China noong Hulyo 10, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ang isa sa mga naaresto ay binansagan lamang sa pangalang Dianne na ang nakalagay sa kanyang Philippine passport at birth certificate ay 61 taong gulang na siya. Nakita ng BI na ang birth certificate nito ay nairehistro lamang noong 2002 nang siya ay 39 na taong gulang na.

"The woman gave highly inconsistent statements about her identity, and declared that she could not remember the name of the school she attended in the Philippines," ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

Ang isa pang pinaghihinalaang Chinese na si alyas Myla ay nagpakita ng pasaporte ng Pilipinas, driver's license ng Pilipinas at isang unified multi-purpose identification (UMID) card na ginagamit ng mga institusyong pang-insurance ng pamahalaan.

Nang tanungin tungkol sa kanyang kabataan at pamilya, wala itong matandaan, at sinabing siya ay tinuruan lamang sa bahay ng kanyang lola.

Kapwa hindi rin makapagsalita ng anumang lenggwahe sa Pilipinas ang dalawang babae.

Kalaunan ay umamin si Myla na nakuha niya ang kanyang mga dokumento sa isang contact na nakilala niya online.

"This seems like another case of fraud, wherein foreign nationals are able to secure Philippine documents through illegal means," ayon kay Tansingco.

Nahadlangan ng Immigration officers ang dapat sana ay paglipad ng dalawang babae sa isang Cathay Pacific flight tungong Beijing, China.

Ang dalawang babae ay nakapiit ngayon sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang proseso para sa pagpapatapon sa mga ito palabas ng Pilipinas.