Dalawang kalalakihan ang huli sa akto ng dalawang security guards na nagnanakaw ng mga copper cable wires sa Manuel L. Quezon Avenue sa Barangay Lower Bicutan noong Nobyembre 21, 2024 ng maadaling araw.
Kasalukuyang nasa isang manhole ang dalawang lalaking kinilala lamang sa alyas na Edwin, 56 taong gulang, at Emerson, 37 taong gulang na e-bike driver, nang makita ng mga guwardiya na may hinahatak na kable bandang alas 2:50 ng madaling araw noong Huwebes.
Nakumpiska sa mga ito ang 67 metro ng underground copper cables na may nakabalot pang foam at nagkakahalaga ng P389,031.29.
Nakuha rin sa mga ito ang isang ginawang hacksaw, cutters at ang e-bike na gagamitin sana sa pagdadala ng mga ninakaw na kable.
Kakasuhan ng paglabag sa Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act ang dalawang mga suspek.
Ayon naman sa consumer advocacy group na CitizenWatch, dapat ay patawan ng mas matinding kaparusahan ang mga nagnanakaw ng mga kable dahil ito anila ay maituturing na economic sabotage.
"No less than the National Telecommunications Commission (NTC) has said these incidents lead to millions of pesos in losses and service disruptions," ayon kay CitizenWatch Philippines co-convenor Orlando Oxales.
Nito lamang taong ito, sinabi ng NTC na may naiulat na 1, 800 na pagnanakaw ng kable sa buong bansa. Nakaapekto ito sa pagkawala ng internet connection o linya ng komunikasyon ng may 100, 000 mga customer.
Ang bawat insidente na mangangailangang gawin muli ang nasirang imprastraktura ay ginagastusan ng tinatayang ₱2 milyong piso.
2 Lalaki Nahuli sa Manhole sa ML Quezon Barangay Lower Bicutan na Nagnanakaw ng Kable | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: