Mahigit 1 milyong pisong halaga ng ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska ng mga pulis sa dalawang kalalakihan sa Barangay Rizal, Taguig City noong Nobyembre 9 ng alas 7:30 ng gabi.

News Image #1


Sa buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit - National Capital Region Police Office, naaresto sina Ardan Ordoñez, 27 taong gulang, residente ng Juan Luna St. Barangay Rizal at Marwin Longayan. 24 taong gulang at naninirahan sa Barangay Santa Ana, Taguig City.

News Image #2


Nakuha sa dalawa ang may ₱1,026,800.00 halaga ng hinihinalang shabu nang isagawa ang buy-bust sa Block 132, Lot 7 Juan Luna St. Barangay Rizal, Taguig City.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang isang gray Honda PCX na motorsiklo na hindi rehistrado at isang piraso ng tunay na ₱1, 000 na pera at dalawang bundle ng pekeng ₱1, 000 na ginamit na boodle money.

Pinuri naman ni Brig. General Jose Nartatez, Jr., hepe ng PNP-NCRPO, ang patuloy na pagsusumikap ng pulisya na maaresto ang mga nagbebenta ng ilegal na droga.

"Team NCRPO will remain steadfast in our campaign against all forms of criminality and illegal drugs. We will not allow these traders of the deadly substance to ruin the life of our people, especially the young generation," ayon kay Nartatez.

(Photos by Southern Police District)