Dalawa katao na ang napaulat na nasawi bunga ng super typhoon Egay (international name: Doksuri) na nag-landfall kaninang umaga sa Babuyan Islands at sa Aparri, Cagayan.

Isang 38 taong gulang na lalaking kinilalang si Mangintee Paras-e Sagandoy, may-asawa at residente ng Betwagan, Sadanga, ang nasawi nang gumuho ang lupa sa Sitio Pakkil Caluttit, Bontoc, Mountain Province. Tinamaan ng landslide ang isang barung-barong na sinilungan ng dalawang indibidwal.

Ang labi ni Sagandoy ay nakuha sa putikan at dinala sa Bontoc General Hospital subalit binawian ng buhay ganap na alas 5:45 ng hapon kanina, Hulyo 26.

News Image #1


Isa namang babae ang napaulat na nasawi sa Cardona, Rizal dahil sa malakas na ulan at hanging dala ng bagyong Egay noong magla-landfall pa lamang ang bagyong Egay sa bansa.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), inaalam pa ang pagkakakilanlan ng babaeng nasawi. Batay sa isang ulat, nahulog diumano ang babae sa umapaw na sapa at dinala ng malakas na agos. Natagpuan ang labi ng babae noong Hulyo 25 sa bukid na malapit sa sapa.



Tinatayang 180,439 katao ang apektado ng bagyong Egay samantalang 8,917 ang kasalukuyan pa ring nasa evacuation centers.


Samantala, inilikas naman ng Naval Forces Northern Luzon ang mga residente sa mga mapanganib na lugar sa Cagayan at dinala sa mga evacuation centers. Ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Tuao naman ang naglikas sa mga nakatira sa Barangay Battung makaraang umapaw ang Chico River na naging sanhi ng pagbabaha rito.

News Image #2


Ang Itawes Bridge at Ninoy Aquino Bridge ay isinara sa mga sasakyan makaraang maging kritikal ang sitwasyon sa Chico River.

News Image #3


Nagbaha rin sa Pudtol. Apayao noong hapon ng Hulyo 26 dahil sa malakas na buhos ng ulan na dulot ng bagyong Egay. Ayon sa ulat ng kanilang panglalawigang pamahalaan, lubog sa tubig baha ang Barangay Mataguisi sa Pudtol.

News Image #4


(Mga larawan mula sa Mountain Province PDRMMO, Cagayan Valley PIO, at Northern Forum Cagayan Valley