Isang 28 taong gulang na residente ng Barangay Upper Bicutan, Taguig City ang naaresto sa Parañaque City kasama ang isa pa kung saan nakumpiska sa mga ito ang mahigit sa isang milyong pisong hinihinalang shabu kahapon, Agosto 11, 2024 ng alas 11:40 ng umaga.
Sa isinagawang buy-bust operation ng National Capital Region Police Office, nakuha kina Marvin Bagon Bontia, tinaguriang High-Value Individual (HVI), 28 taong gulang at naninirahan sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City; at Eduard Alferero, 20 taong gulang, residente ng Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City, ang 150 gramo ng hinihinalang shabu na ang tinatayang halaga ay Php1,020,000.00.
Nagpanggap na bibili ng ipinagbabawal na gamot ang anim sa mga pulis ng the Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police Station, Southern Police District, kina Bontia at Alferero na noon ay nasa Lim Compound, Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Nang magkapalitan na ng markadong pera at boodle money at ng ipinagbabawal na gamot, inaresto agad ng mga otoridad ang dalawang suspek.
Nakumpiska sa mga ito ang isang plastic na nakatali, tatlong piraso ng plastic sachet na isinara sa pamamagitan ng init na naglalaman ng hinihinalang shabu na ang kabuuang bigat ay 150 gramo.
Ang mga nakumpiskang hinihinalang droga ay ibinagy na sa Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) para sa pag-aanalisa.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na ihaharap sa Parañaque City Prosecutor's Office.
"Sa ilalim ng ating adbokasiya na Bagong Pilipinas kung saan, ang gusto natin ay ligtas ang lahat, patuloy nating ipakita na walang puwang ang iligal na droga sa ating mga komunidad. Ang ating kapulisan ay walang tigil sa pagtutok sa pagsugpo sa mga banta ng droga sa National Capital Region," ang pahayag ni NCRPO Regional Director Major General Jose Melencio Nartatez.
28 Taong Gulang na Residente ng Barangay Upper Bicutan, Huli sa 1M Drug Bust sa Parañaque | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: