Isang puganteng Chinese na wanted sa investment scam ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at ngayon ay nasa detention facility na ng Immigration sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City upang maipatapon pabalik sa bansa nito.

Ang 29 na taong gulang na si Chen Xiao Bang ay naaresto ng mga tauhan ng BI fugitive search unit (FSU) sa Vito Cruz Extension, Barangay La Paz, Makati City noong isang linggo.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na akusado si Chen sa pakikipagkutsaba sa iba pang suspek sa panloloko sa mga Chinese investors ng mahigit sa 3 milyong Chinese yuan o US$412,000 simula pa noong 2018.

Dumating sa Pilipinas si Chen noong Agosto 25, 2019 subalit hindi na umalis simula noon.

May arrest warrant na ipinalabas ang Pudong branch ng public security bureau sa Shanghai, China laban sa kanya at pinawalang-bisa na rin ang pasaporte nito ng pamahalaan ng China.

Nasa listahan na rin si Chen ng mga wanted sa BI at dati pang ipinag-utos na maipatapon ito palabas ng bansa.