Dalawampu't siyam na mga estudyanteng naapektuhan nf Marawi siege noong 2017 ang binigyan ng scholarship ng Department of Science and Technology - Science Education Institute (DOST-SEI).

News Image #1


Sa isinagawang anunsyo ng DOST mula sa kanilang tanggapan sa General Santos Avenue, Bicutan, Taguig, ang scholarship ay ibinigay sa mga kwalipikadong second year students na naka-enroll sa science, technology, engineering and mathematics (STEM) courses na naapektuhan ng armadong labanan o napwersang lumikas sa Marawi, Lanao del Sur dahil sa giyera.

Ang Bangon Marawi Program in Science and Technology Human Resource Development (STHRD) ay naglalayong bigyan ng pagasa ang mga kabataan makalipas ang giyera sa Marawi.

Ang 29 na kwalipikadong estudyante sa scholarship ay tatanggap ng buwanang allowance na ₱7, 000, mga libro at iba pang school materials, at may ₱10, 000 pang connectivity allowance sa bawat academic year.


Sinabi ni DOST-SEI Director Dr. Josette Biyo na ang STEM ay maaaring makalikha ng solusyon sa iba't ibang problema ngayon ng lipunan. "While Bangon Marawi Program is here, I encourage all students to grab the opportunity to pursue significant STEM careers and contribute to reviving Marawi." 

Kapag natapos ng mga Bangon Marawi scholars ang kanilang mga kurso, inaasahang magtatrabaho sila sa linya ng kanilang espesyalisasyon sa bansa, lalo na sa kanilang rehiyon, ng tinatayang apat na taon o sa katumbas ng kabuuang panahon na naging iskolar sila.
   

Ang Bangon Marawi Program ay sinimulan noong 2018 at nakapagpatapos na ng 369 estudyante na may bachelor's degree sa larangan ng science, technology, engineering, and mathematics, 14 ang nagtapos ng master's program at 4 ang PhD scholar-graduates.

(Photo by DOST)