Arestado sa mismong opisina ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Manila ang tatlong ilegal na dayuhan kamakailan.

Dinala na sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang dalawang dayuhang takas sa batas at isang matagal nang nananatili sa bansa makaraang iprisinta ng mga ito ang kanilang mga bagong pasaporte sa tanggapan ng BI sa Intramuros.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Inaresto si Song Tiancheng, 25 anyos, noong Agosto 2, 2024, makaraang matagpuan na isa siyang wanted na kriminal sa China dahil sa kasong pamemeke ng kontrata.

Iniharap niya sa BI ang kanyang bagong pasaporte at travel documents para sana mailipat ang pinakabagong detalye ng pagpasok nito sa bansa mula sa lumang pasaporte nito.

Nangi-check ng BI ang detalye ni Song, lumabas na may deportation case na ito makaraang impormahan ng mga otoridad sa China ang BI kaugnay ng naka-pending na kaso nito sa China.

Naaresto naman noong Agosto 6, 2024, ang Taiwanese na si Tu En Cheng, 51 taong gulang, makaraang makitang ito ay pinatatalsik na rin sa Pilipinas simula pa noong 2020.

Si Tu ay tumakas sa bansa nito dahil sa kasong panloloko at inimpormahan ang BI kaugnay ng kaso nito.

Noong Agosto 7, 2024 naman, isang babaeng Chinese na kinilalang si Dong Baolian, 39 anyos, ang nahuli ng BI sa kanilang main office sa Manila, dahil wanted din ito sa China sa kasong panloloko.

Sinasabing miyembro ng isang kumpanya si Dong na nakapag-develop ng application na nagagamit nila sa panloloko ng kanilang mga biktima na umabot na sa Chinese yuan 1.54 milyon.