Tatlong pampublikong eskwelahan sa Barangay West Rembo, Taguig City ang nakatanggap ng banta ng pambobomba noong Pebrero 13, 2024, isang araw makalipas na makatanggap din ng bomb threat ang tatlong ahensiya ng pamahalaan.

Sa ulat ng Taguig Police, ang mga eskwelahang nakatanggap ng bomb threat ay ang West Rembo Elementary School na nasa Mabini Street, Barangay West Rembo at ang Fort Bonifacio Elementary School at University of Makati na nasa J.P. Rizal Extension, Barangay West Rembo, Taguig City.

News Image #1


Tumawag ang mga security personnel ng tatlong eskwelahan sa Taguig Police upang puntahan at siyasatin ang kanilang eskwelahan kung totoong mayroong bomba.

Dumating ang mga tauhan ng Explosive Ordinance Disposal (EOD) unit subalit walang natagpuang bomba sa tatlong eskwelahan.

Hindi naman nakansela ang klase sa tatlong eskwelahan sa West Rembo sa kabila ng banta ng pambobomba.

Sinisiyasat na ng pulisya kung kanino nagmula ang bomb threat at kung iisa lamang ang tumawag na nagbabanta sa tatlong eskwelahan.

(Larawan mula sa Facebook Page na West Rembo Elementary School)