Tatlong South Koreans na mga takas sa batas sa kanilang bansa ang nakapiit na ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City makaraang maaresto sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.
(Larawan ng BI)
Naaresto noong Setyembre 14, 2024 sa isang bahay sa Pandan-Tabun Road, Angeles City, Pampanga si Kim Hyungju, 45 taong gulang, na wanted sa South Korea dahil sa telecommunications fraud.
May ipinalabas na warrant of arrest ang korte sa Korea kung saan akusado si Kim na miyembro ng voice phishing syndicate at diumano ay nakatangay sa mga biktima nito na mahigit sa 100 million won, o mahigit sa US$74,000.
Naaresto rin ng BI -Fugitive Search Unit noong araw na iyon si Oh Suhong, 46 taong gulang sa may Walking Street, Angeles City, Pampanga na wanted naman dahil sa operasyon ng isang online illegal gambling site.
May warrant of arrest ito sa Korean court dahil sa paglabag sa batas ng bansa nito laban sa game industry promotion act.
Noong 2021, napag-alaman na bumili si Oh ng 40 unit ng game console na kanyang ginamit para sa online betting ng kanyang mga customers.
Samantala, noon namang Setyembre 19, naaresto ng mga tauhan ng BI-SFU sa Executive Village sa Taytay, Rizal si Kim Hyojoong, 44 taong gulang, na wanted naman sa panloloko.
Sinasabing kumite si Kim ng 73 milyong won sa 23 biktima nito nang pangakuan na ipo-proseso ang kanilang mga visa habang ito ay kawani pa ng Canada immigration support center sa Seoul, South Korea.
Napag-alaman na si Kim ay may kaso ring kriminal dahil sa kidnapping at pamba-blackmail.
Nakatakda nang ipatapon papunta sa South Korea ang tatlo at napawalang-bisa na rin ang mga pasaporte ng mga ito. Tiniyak ng bagong Immigration Commissioner na si Joel Anthony Viado na hindi na sila makakabalik sa Pilipinas.
3 Takas na South Koreans, Nahuli sa Pampanga at Rizal; Nasa BI Detention Center na sa Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: