Tatlumpu't isang indibidwal, kabilang ang isang empleyado ng gobyerno sa Mindanao at isang sundalo, ang naaresto sa Philippine National Police (PNP) checkpoints kaugnay ng gun ban sa panahon ng eleksyon.

News Image #1

(Larawan ni Jayson Pulga)

Ang 31, ayon sa Commission on Elections (Comelec) ay nahuli sa unang araw ng pagpapatupad ng pagbabawal sa pagdadala ng armas sa labas ng bahay ng mga hindi otorisadong magdala nito, may lisensya man ang baril o wala.

Sinabi ng tagapagsalita ng PNP na si Brigadier General Jean Fajardo na ang mga nahuli ay isang empleyado ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslin Mindanao (BARMM) ministry at isang sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nakakumpiska rin ang mga otoridad ng 80 baril kasama ang 60 maliliit na baril, dalawang Class A light weapons, isang Class B light weapon, 17 replica at mga pampasabog, bukod pa sa 539 na bala.

Ang pinakamaraming nakumpiskahan sa unang araw ng gun ban ay sa Central Luzon, sumunod ang Ilocos Region at pangatlo ang Western Visayas.