Napatapon na pabalik sa Indonesia ang 35 mamamayan nito na idinetine sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City dahil sa pagta-trabaho sa isang ilegal na online gambling hub sa Cebu.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang mga ipinatapon pabalik sa kanilang bansa ay 9 na kababaihan at 26 na kalalakihan. Pinasakay sila sa mga eroplanong patungo sa Indonesia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Oktubre 22, 2024.

Ang mga Indonesians na ito ay naaresto sa isang raid sa ilegal na online gambling at scamming operations sa Lapu-Lapu City sa Cebu noong Agosto 31, 2024.

Mahigit 100 mga dayuhan ang naaresto rito ng BI kasama ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), at ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Ang mga dayuhan ay nagta-trabaho sa isang resort sa Barangay Agus, Lapu-Lapu City kung saan mayroong ginawang mga work stations ng mga ito sa loob ng resort.

"The arrest and subsequent deportation of these foreign nationals send a strong message that illegal online gambling operations will not be tolerated. We remain committed to upholding the President's directive to ban such activities, and we will continue to work closely with other government agencies to ensure that those involved in illegal operations are brought to justice," ayon kay Viado.

Nagbabala rin si Viado sa iba pang mga dayuhan na ang mga mahuhuling ilegal na nagta-trabaho sa bansa at walang kaukulang dokumento ay mapapatawan ng kaukulang parusa ng batas.