Apat na Chinese nationals na may kanya-kanyang kaso sa China ang nahuli ng Bureau of Immigration (BI) at ngayon ay nasa Detention Facility na nito sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Ang mga Chinese na sina Wei Hanbing, 33 taong gulang; Wang Bo, 32; Wang Zhaoshan, 37; at Guo Dong, 26 ay naaresto ng BI sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa makaraang arestuhin naman ang mga ito ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Agosto 31, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Matagal nang hinahanap ng mga otoridad sa China si Wei Hanbing dahil wanted ito sa kasong pagtatago sa krimen na may kinalaman sa kinikita.

Si Wang Bo at Wang Zhaoshan naman ay wanted sa panloloko.

Si Guo Dong ay may kinalaman naman sa mga ilegal na negosyo.

Ang apat na takas sa batas sa China ay kasama sa mga dayuhang nahuli ng mga pulis sa raid ng isang pinaghihinalaang cryptocurrency investment at love scam hub sa Parañaque City noong Agosto 22, 2024.

Ang ni-raid na establisamyento ay nagpanggap na lisensyadong offshore gaming operator upang maitago ang kanilang kriminal na aktibidad.

Animnapu't pitong mga dayuhan ang naaresto ng NCRPO sa naturang hub sa Parañaque City noong alas 2:00 ng madaling araw ng Agosto 22.

Nagsilbi ng search warrant ang pulisya upang masiyasat ang mga ginagamit ng mga itong computer at iba pang gadgets para sa panloloko. Isang deep penetration agent ang nakapasok sa kumpanya at nagkunwaring magta-trabaho upang makakuha ng sapat na ebidensiya para sa search warrant.

Mahigit sa 400 na indibidwal ang nagta-trabaho sa scam hub kung saan myroong ginawang studio, opisina, tulugan at sala na ginagamit s pang-i-scam. May ilang Pilipinang ginamit bilang modelo na nagpapa-sexy sa camera upang hikayatin ang mga biktima sa love scam at cryptocurrency scam.

Ang mga suspek ay haharap sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act and the Securities Regulation Code at ipo-proseso naman ang mga dokumento para sa kanilang deportasyon sa takdang panahon upang harapin naman ang kaso ng mga ito sa China.