Sinampahan ng kasong illegal detention at grave coercion ng apat na kawani ng pamahalaang lungsod ng Makati sa Office of the City Prosecutor ng Taguig City si Taguig City Mayor Lani Cayetano at iba pang opisyales at kawani ng lungsod kahapon, Marso 5, 2024.

News Image #1

News Image #2

(Screenshots mula sa isang video online)

Ang mga kaso ay may kinalaman sa stand-off sa Makati Park and Garden sa Barangay West Rembo, Taguig City na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ganap na nareresolba.

Tatlong kaso ng illegal detention na sakop ng Article 267 ng Revised Penal Code, at isang kaso ng grave coercion sa ilalim ng Article 286 ng Code ang kanilang inihain laban kina Cayetano, Taguig City Administrator Jose Luis Montales, Maria Theresa Veloso na hepe ng Business Permits and Licensing Office, Danny Cañaveral na pinuno ng Traffic Management Office (TMO), at ilang mga nagpakilalang kawani ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

Sa sinumpaang salaysay ni Salvador Palisa, empleyado ng Makati Department of Environmental Services (DES) na nagmamantina ng loob at paligid ng Makati Park and Garden, nakulong siya sa parke ng dalawang araw simula pa noong Marso 1, Biyernes ng umaga.

News Image #3

(Kuha ni Dek Terante]

Sa kanyang salaysay, dumating ng alas 7:45 ng umaga noong Biyernes ang mga nagpakilalang empleyado ng Taguig TMO sa harap ng park at agad aniyang kinadena at pinadlock ang gate at hinarangan ang lahat ng papasukan sa park habang nasa loob si Palisa at ang kanyang mga kasamahan. Idinagdag nito na binantaan sila kung lalabas at binawalan din ang nagnanais na pumasok sa park.

Ang isa pang nagreklamo na si Salvador Mercado, empleyado sa Garbage Section ng DES Solid Waste Management Division, nakulong naman siya ng isang araw sa Makati Park Amphitheater noong Marso 2, dahil ikinadena rin umano ng mga nagpakilalang tauhan ng Taguig ang gate ng parke.

Ikatlo sa mga nagreklamo ay si Ryalyn Almazar ng Youth and Sports Development Department (YSDD) at supervisor ng Makati Aquatic Sports Arena (MASA) na nakulong naman diumano sa parke noong Marso 3 ng umaga.

News Image #4

(Kuha ni Dek Terante

Ayon kay Almazar, bandang alas 7:45 ng umaga, tinanggal ng mga lalaking nakasibilyan, naka-shades at may takip na bandana sa mukha ang mga tarpaulin ng Makati sa parke. Kasama rin diumano ng mga ito ang mga unipormadong kawani ng Taguig at pinalitan ng tarpaulin ng Taguig ang kanilang tinanggal sa parke.

Kasunod nito ay ikinadena at ikinandado diumano ng mga kalalakihan ang gate ng MASA sa kabila ng kanilang pakiusap.

Sinabi ni Almazar na nakakain lamang sila nang may kasamahang nasa labas na nag-abot ng pagkain sa siwang ng gate, at alas 3:00 ng hapon na nang sila ay makalabas ng palihim, sa tulong ng isang kasamahang lalaking dumaan sa makitid na lagusan sa likuran na nasa tabi ng Ilog Pasig.

Sa isa pang iniharap na reklamo, sinabi naman ng empleyado ng YSDD na si Joven Mediavillo na papasok sana siya sa MASA bilang medic nito noong Marso 3 ng ala 1:00 ng hapon nang makita niyang naka-padlock ang gate ng MASA at nakaharang ang isang patrol vehicle.

Ayon sa salaysay ni Mediavillo, sinigawan siya ng isang lalaki na nakasuot ng Taguig vest at binawalan siyang pumasok. Sinabi ni Mediavillo na ayon sa lalaki ang pagbabawal ay nanggaling sa Taguig government. Gayundin, nagalit ito aniya sa kanya nang sabihin niyang kailangan niyang pumasok para mag-duty.

Ayon sa mga empleyado ng Makati City Hall na nagsampa ng kaso, base sa kanilang sinumpaang salaysay, tinakot at kinulong sila ng laban sa kanilang kalooban ng mga empleyado ng Taguig. Sinabi umano ng mga itong ipinatutupad nila ang kautusan ng pamahalaang lungsod ng Taguig.

Sa ilalim ng isinampa ng tatlo na paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code, sinasabing ang kalayaan nila ang nilabag sa pagkakulong nila sa loob ng parke na anila ay isang serious illegal detention.

Ang isinampa naman ng pang-apat na empleyado ng Makati City na paglabag sa Article 286 ay may kinalaman sa pagpigil sa paggawa ng hindi labag sa batas, pagpwersang gawin ang labag sa kanyang kalooban at pagbabanta o pananakot.