Apat na Indian nationals na nakasakay sa bangka ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng Tawi-Tawi.

Nang dumaong sa baybaying dagat ang bangkang may sakay na 4 na Indian nationals, isang Malaysian national na kasama ang kanyang Pilipinang kasintahan ang kasama ring bumaba sa bangka noong Hunyo 28, 2024 sa Bongao, Tawi-Tawi.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Ang apat na Indian nationals na sina Lakhwinder Singh Brar, 30 taong gulang; Parwinder Singh, 21 taong gulang; Sukhraj Singh Dubb, 32 taong gulang; at Jagjit Chohan, 36 taong gulang, ay pawang walang immigration stamp ang mga dalang dokumento.

Ang Malaysian namang si Bryan Joel Ng, 25 taong gulang, ay walang dalang pasaporte.

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga naturang ilegal na dayuhan.

Ayon kay BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr., ipinagbigay-alam sa mga ahente ng BI regional intelligence operating unit IX ng PCG ang pangyayari at agad na inaresto ang naturang mga dayuhan. Kasama rin sa umaresto sa mga ito ang Philippine National Police (PNP) Regional Intelligence Unit 9, PNP Zamboanga City Police Office, at ang PNP Intelligence Group.

Napag-alaman na ang 4 na Indians ay naka-blacklist na pala sa bansa at tinangkang pumasok muli sa pamamagitan ng "backdoor" upang maiwasang masiyasat ng Immigration.

Samantala, si Ng naman, ang Malaysian, ay pinaghihinalaang umalalay sa mga ito para maipuslit sa bansa.

Ang lima ay nirekomendang kasuhan ng ilegal na pagpasok sa bansa na isang paglabag sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingo na ang kanilang mahigpit na pakikipag-koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno na nagmo-monitor sa karagatan at baybaying dagat ng bansa at nakatulong sa paghadlang sa mga ilegal na dayuhang nagtatangkang pumasok sa bansa.

Dadalhin sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kapag naiproseso na ang mga kinakailangan para rito.