Hindi pa rin nagsasara ng operasyon ang ilang mga nag-o-operate ng kahalintulad ng Philippine offshore gaming operations (POGO) sa bansa makaraang makahuli na naman ang Bureau of Immigration (BI) ng 400 ilegal na dayuhang nagta-trabaho sa isang kumpanyang naka-base sa Barangay Tambo, Parañaque noong Enero 8, 2025.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Ang 400 ilegal na dayuhan ay idinetine sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang isinasagawa ang proseso para sa pagpapatapon sa mga ito sa kanilang bansa.


Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., ang mga dayuhan ay natuklasang nang-i-i-scam online ng mga biktimang nasa ibayong dagat.

Sinabi ni Manahan na matagal na nilang minamanmanan ang aktibidad ng mga ito.

"The Bureau's intelligence division, fugitive search unit (FSU), and Anti-Terrorist Group (ATG) have been monitoring the activities of these individuals for some time. Their operations were found to be in violation of immigration laws and posed significant risks to the public," ang pahayag ni Manahan.

Una rito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagsasara ng lahat ng POGO sa bansa at kahalintulad na mga kumpanya na nagsasagawa ng panloloko. Lumalabas din sa immigration laws ang mga dayuhang nagta-trabaho rito dahil kadalasan ay walang karampatang papel ang mga ito o napapalawig ang pananatili sa bansa sa ilegal na paraan.