Halos $44 na milyon o mahigit P2.5 bilyon ang nakulimbat diumano ng dalawang opisyal ng isang business process outsourcing (BPO) na nakabase sa Mandaue City, Cebu mula sa mga matatandang nagsusulat ng libro na nasa Estados Unidos.
Inaresto ng mga otoridad ng Amerika sina Michael Cris Traya Sordilla, ang nagtatag, presidente at chief executive officer ng Innocentrix Philippines, at Bryan Navales Tarosa, ang bise presidente ng operasyon sa San Diego, California, noong Disyembre 9, 2024.
(Larawan mula sa Facebook Page FBI Jobs))
Ang isa pa nilang kasabwat, si Gemma Traya Austin, 58 taong gulang, at organizer at ahente ng PageTurner, Press and Media LLC, ay naaresto naman sa Chula Vista, California, noogn Disyembre 12, 2024.
Sina Sordilla, 32 taong gulang, at Tarosa, 34 taong gulang, ang nasa likod din ng Hiyas ng Pilipinas beauty pageant sa Pilipinas kung saan si Sordilla ang CEO at chairman ng patimpalak kagandahan at si Tarosa naman ang communications director.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI) mahigit 800 ang nabiktima ng mga ito na matatandang sumusulat ng libro.
Nilinlang ng mga suspek ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap na may kilala silang mga literary agents, malalaking film studios at streaming services, at ipinangakong ang gawang libro ng mga matatandang manunulat ay maisasapelikula o gagawing serye sa telebisyon.
Hiningan nila diumano ng pera ang mga matatandang awtor para maiproseso ang pagbebenta ng kanilang mga libro sa mga Hollywood producers.
Naganap ang panloloko simula noong Setyembre 2017 hanggang Disyembre 2024 kung saan kinontak diumano ng BPO na Innocentrix Philippines sa pamamagitan ng kumpanyang PageTurner ang mga matatandang manunulat.
Ayon kay Tara McGrath, US attorney for Southern District of California, "what started with the promise of a Hollywood dream turned into a devastating nightmare for victims. Authors should stay vigilant, do their research, and think twice before giving money to anyone promising a blockbuster deal. If you or anyone you know has been targeted in a similar scheme, please report it to the FBI immediately."
Ang dalawang Pilipino at isang Amerikana ay akusado ngayon ng pagsasabwatan upang manlinlang sa ilalim ng mail and wire fraud at kasong laundering money instruments.
Kung mapapatunayang nagkasala, ang tatlo ay maaaring makulong ng 20 taon at magmulta ng hanggang $250,000 para sa panloloko at hanggang $500,000 o dalawang beses na halaga ng perang kanilang ginamit para sa kasong money laundering.
$44 M Publishing Book Scam sa Amerika, Sangkot ang Dalawang Pinoy at Isang Amerikanang Naaresto na sa California | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: