Maglalabas ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) ng imbitasyon para sa bidding sa isang anim na ektaryang mixed-use development sa harap ng bagong gusali ng Senado sa Taguig City makaraang makatanggap ng pag-apruba sa board nito.

News Image #1

(Larawan ng bagong Senate building at ang katapat nitong lupain. Kuha ni Dek Terante)

Sinabi ni Engineer Joshua Bingcang, Senior Vice President for Conversion and Development Group ng BCDA na ang lugar ay isang pangunahing lokasyon dahil doon din mailalagay ang isang istasyon ng Metro Manila Subway o ang tatawaging Senate-Department of Education Station.



Sa ngayon, ang lupa ay inookupahan ng Philippine Navy.

"We will publish the terms. But the proposal we got is that the investment should be at least P30 billion," ayon kay Bingcang. "This is very prime. But right now, it is being occupied by the Navy. So, we will clear out the navy first," dagdag pa nito.

Noong nakaraang taon, ang BCDA at ang Department of National Defense (DND) ay sinimulan ang konstruksyon ng isang siyam na palapag na residential building upang doon ilipat ang mga tauhan ng Philippine Navy. Inaasahang matatapos ito sa susunod na taon.