Pitong mga elementary public school students ng Taguig City ang nag-uwi ng karangalan sa bansa mula sa 2023 Kaohsiung International Invention and Design Expo (KIDE) na isinagawa sa Kaohsiung, Taiwan noong Disyembre ng nakaraang taon.
Personal na binati ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang mga nagwagi ng medalya na sina Lance Bitor, Mateo Endrique Dizon, Geion Kenn Guanzon, Neciel Joy Tolentino, Aleka Mish'ella Zerda, Aiden Carlo Velasco at Malik Emmanuel Hara nang magtungo ang mga bata kasama ang kanilang mga coaches sa Taguig City Hall kamakailan.
Sinabi ni Cayetano na bukod sa silver medals na nakuha nila mula sa World Invention Intellectual Property Associations (WIIPA) nakapag-uwi rin ang mga estudyante ng Special Award mula sa Korea University Invention Association (KUIA) dahil sa kanilang imbensyong Papaya Lemon Coconut Oil (PLC) Moisturizing and Anti-Bacterial Soap.
"Nandito ang inyong Ate Lani Cayetano at ang buong lungsod ng Taguig to support passionate inventors like you! Ang inyong tagumpay ay tagumpay ng buong Taguig," ang pahayag ni Cayetano sa kanyang post sa Facebook.
Ang KIDE ay isinagawa sa Kaohsiung Exhibition Center sa Taiwan sa pangunguna ng World Invention Intellectual Property Associations (WIIPA) at Taiwan Invention Products Promotion Association (TIPPA) noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 2, 2023.
Mahigit sa 26 na bansa at lampas sa 500 ang mga inilahok na imbensyon sa pinakamalaking exposition ng mga imbentor sa Asya.
(Mga larawan mula sa FB: Lani Cayetano}
7 Elementary School Students ng Taguig, Wagi sa Invention Expo sa Taiwan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: