Naipasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mahigit sa 70,000 ilegal na online posting ng mga trabaho sa ibayong dagat sa Facebook at Tiktok.

News Image #1

(Larawan ng DMW)

Sinabi ng DMW na kabilang sa kanilang napatanggal sa Facebook at Tiktok ay ang 71,653 pekeng job postings at mga accounts, kasama na ang 50,220 kahina-hinalang posts sa Facebook at 21,433 sa TikTok.

Ayon kay DMW Secretary Hans Cacdac, ang bawat ilegal na recruitment post na nakikita nila online ay inirereport nila agad at nakikipag-ugnayan sila agad sa Facebook at TikTok para sa deactivation ng mga account na ito.

Hinihikayat din nila ang publiko na magsumbong sa kanila upang maimbestigahan ang iba pang kahina-hinalang posts at accounts.

Nagpapanggap aniya ang mga ito na lehitimong recruitment agencies sa pamamagitan ng pag-duplicate sa opisyal na pahina ng mga ahensyang lisensyado sa DMW.

Sinabi pa ng DMW na mahalagang makipag-ugnayan ang mga naghahanap ng trabaho sa ibayong dagat sa kanilang opisina o tingnan ang kanilang website para sa listahan ng mga lisensyadong ahensiya: https://dmw.gov.ph/licensed-recruitment-agencies

News Image #2


Sa ginawa ng DMW nailigtas nila ang potensyal na libo-libong Pilipinong maloloko at pagbabayarin para sa mga hindi naman tunay na trabaho abroad, o mga sindikatong ipapaalila lamang o ipapaabuso ang mga Pilipino sa ibayong dagat.