Mababawasan ang polusyon sa bansa sa pagmo-modernisa ng pampublikong jeepney.

Ito ang paniniwala ni Freddie Hernandez, chairman ng Taguig Transport Service Cooperative na lumagda sa jeepney modernization program na layuning palitan ang mga tradisyonal na pampublikong jeepney.

"Ang pinakaimportanteng isinaalang-alang namin 'yung ating mga sasakyan ay environment-friendly po, 'yun pong kalikasan," ang pahayag ni Hernandez.

News Image #1


Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Teofilo Guadiz III na sa ngayon ay kabuuang 76.6% ng lahat ng public utility jeepneys (PUJ) at Utility Vehicles (UV) Express na tumatakbo sa kanilang ruta sa buong bansa ay nagsama-sama na upang maging bahagi ng korporasyon om kooperatiba sa ilalim ng modernization program.

"It is a resounding success for us dahil ang target rate lang namin ay 70 %. Marami po ang sumanib sa programa, marami po ang naniwala sa programa," ang pahayag ni Guadiz.

News Image #2


Tiniyak din ni Guadiz na walang mangyayaring transport crisis sa Enero 31, sa pagtatapos ng ekstensyon para makapagbiyahe pa ang mga jeepney drivers at operators na hindi sumali sa mga kooperatiba o korporasyon para sa jeepney modernization na ang deadline ay noong Disyembre ng nakaraang taon.

"In Metro Manila, ang rate ng consolidation is 97 percent. Ibig sabihin marami sa rutang bumabaybay ngayon ay mayroon pong tatakbo ng February 1," ang dagdag na pahayag ni Guadiz.

Nanghingi rin ng tulong si Guadiz sa mga nagpapatupad ng batas sa lansangan tulad ng Philippine National Police, Metropolitan Development Authority at Land Transportation Office upang matiyak na ang transisyon sa modernisasyon ng pampublikong jeepney mula Enero 31 hanggang Pebrero ay magiging mapayapa.

Sinabi ni Guadiz na may 1. 000 ruta sa bansa ang hindi sumali sa consolidation bilang bahagi ng programa sa modernisasyon.

Sa Metro Manila, may 300 hindi nag-consolidate na ruta, subalit karamihan sa mga ito ay mga short distance routes o duplicate routes lamang na maseserbisyuhan ng mas mahahabang ruta na sumali sa programa.

(Photos by Philippine Information Agency)