May walo kataong naging biktima ng sakit na pertussis o whooping cough sa Taguig City, batay sa tala ng Taguig City Health Office.

Ayon sa Taguig City Health Office, gumaling na ang walong pasyente makaraang gamutin subalit hindi pa rin sila nagpapakampante lalo na at patuloy na tumataas ang mga kaso ng sakit sa National Capital Region.

News Image #1


Ang pertussis ay dala ng bacteria na Bordetella at Madali itong makahawa sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahing, at kahit na pakikipag-usap lamang, bunga ng kanilang droplets. Ito ay isang respiratory disease na ang mabilis na mahawahan ay mga bata, lalo na ang mga sanggol.

Kabilang sa mga simtomas ng pertussis ay pag-ubong tuyo na may tunog na "whooping" o may parang hangin na hinigop, pagbahing, sipon, lagnat, masakit na matang nagluluha, at maaaring magkulay-asul o tila nangingitim ang mga labi, dila, at kuko dahil sa walang tigil na pag-ubo.

Sa mga sanggol naman, sinabi ng City Health Office ng Taguig na maaaring magkaroon ng ubo, paghingal, paghina ng pagkain at kahirapan sa paghinga. Ang mga simtomas ay lumalabas 7 hanggang 10 araw makaraang makakuha ng pertussis sa orihinal na may dala nito.

Mayroong bakuna sa mga sanggol para maiwasan ang pertussis at ito ay ibinibigay ng 3 primary doses sa mga sanggol hanggang sa sila ay mag-isang taong gulang.

Ang mga naghihinalang may pertussis batay sa mga simtomas na nabanggit ay kailangang humiwalay muna sa mga kasama sa bahay o trabaho at magsuot ng face mask upang hindi na maikalat pa ang sakit.

Sinabi ng Taguig City na bukas ang kanilang mga health centers at may hotlines ang City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) para sa mga mangangailangan ng tulong: 0919-079-9193 at 0915-164-2742 o saTaguig Emergency Command Center (ECC) sa teleponong (02) 8789-3200.

(Larawan mula sa Taguig City Health Office)