Dalawampu't apat katao ang nawalan ng tirahan makaraang masunog ang pitong bahay sa 1st Avenue Laura Drive Barangay Bagumbayan, Taguig City noong Setyembre 3, 2024 ng ala 1:30 ng hapon.

News Image #1

(Larawan ng Barangay Bagumbayan)

Umabot sa unang alarma ang sunog na naapula naman agad bandang alas 2:05 ng hapon. Ang pitong bahay na tinitirhan ng 8 pamilya ay gawa sa mga kahoy lamang at dikit-dikit.

News Image #2

(Larawan ng Barangay Bagumbayan)

"Paalala po sa lahat na panatilihing ligtas ang inyong mga kagamitang elektrikal upang maiwasan ang ganitong insidente," ang post ng Barangay Bagumbayan sa kanilang Facebook Page bagaman at hindi pa pinal ang resulta ng imbestigasyon kung problemang elektrikal nga ang dahilan ng sunog.

Dinala naman sa evacuation center ang mga nasunugan at pinuntahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano upang maipaabot ang tulong.

News Image #3

(Larawan mula sa Lani Cayetano Facebook Page)

Sa post ni Cayetano sa kanyang Facebook Page na Lani Cauetano, humiling ito ng panalangin para sa walong pamilyang biktima ng sunog.

"Nakapag abot tayo ng tulong pinansyal sa lahat ng mga biktima samantala, ang DSWD ay nakapag abot din ng hygiene kits ang food box. Salamat sa bayanihan ng BFP and other frontliners, barangay officials and staff, City officials and staff, other agency partners maging ang mga kapitbahay na tumulong sa pag-apula ng sunog," ayon sa post ni Cayetano.

News Image #4

(Larawan mula sa Lani Cayetano Facebook Page)

Ang mga nagnanais na tumulong sa mga nasunugan ay maaaring makipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development sa Taguig City Hall, ayon kay Cayetano.