Hindi naging hadlang ang edad upang magtapos ng pag-aaral ang walong senior citizens ng Taguig City sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS).

Isa sa pinakamatandang nag-graduate ay ang 71 taong gulang na si Shiarma Talusan na nagtapos ng elementarya sa Maharlika Elementary School. Masaya si Talusan sa kanyang pagtanggap ng diploma sa seremonyang isinagawa sa Taguig City University Auditorium noong Setyembre 9 dahil napatunayan niyang hindi pa huli ang lahat para siya ay makapag-aral.

News Image #1


Ang 70 taong gulang na si Liza Cruz ay ang pinakamatanda sa magkakapatid kaya't hindi na siya nakapag-aral. Single mother din siya sa tatlong anak kaya't hindi na niya naasikaso ang kanyang pag-aaral. Nang magkaroon na ng sariling buhay ang mga anak at nalaman niya ang programa sa ALS, nag-enroll siya dito at ngayon ay nakatapos na ng elementarya.

News Image #2


Natapos naman ni Cesar Londonio, 63 taong gulang, ang junior high school sa ilalm ng ALS program. Sa kabila ng nagta-trabaho siya bilang construction worker sa isang kumpanya, pinagsikapan pa rin niyang makapag-aral. Balak niyang ipagpatuloy ang pag-aaral at makakuha ng dalawang taon o apat na taong kurso.
"Wala naman sa edad 'yan, isang karangalan sa akin na kahit na senior na ako ay nagsumikap ako makatapos," ayon kay Londonio.

News Image #3


Bukod sa tatlo, nakatapos din ng elementarya ang senior citizen na sina Rosalinda Barbolino na taga Upper Bicutan Elementary School. Nakatapos naman ng Junior High School sina Marianita Sea ng Signal Village National High School, Luvisminda Fajardo ng Tenement Elementary School, Ritchi Siscar na gumraduate sa Kapitan Jose Cardones Integrated School, at Maria Luzviminda Selda ng Multi-Purpose Hall Barangay South Signal Village Community Learning Center.

(Photos by Taguig PIO)