Walumpu't apat katao na ang nasasawi sa bansa dahil sa leptospirosis sa data na nakalap ng Department of Health hanggang Hunyo 15.

Tumataas din ang mga kaso ng tinamaan ng
leptospira bacteria makaraang maitala ang 83 kaso mula Hunyo 2 hanggang 15.

News Image #1


Ito ay mula sa 6 na kasong nairekord noong Mayo 5 hanggang 18, lumobo ito sa 60 kaso noong Mayo 19 hanggang Hunyo 1. Hanggang sa maitala na ito sa 83 kaso mula Hunyo 2 hanggang 15.

Maaaring mas mataas pa ang kaso bunga ng mga naantalang ulat, ayon sa DOH.

News Image #2


Tanging ang Zamboanga Peninsula at rehiyon ng Northern Mindanao lamang ang walang kaso ng leptospirosis sa lahat ng mga rehiyon sa bansa.

Sa kabuuan, mula Enero hanggang Hunyo 15, 2024 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng leptospirosis sa bansa ay 878. Bagaman at kalahati lamang ito ng naitala noong isang taon na nasa 1,769 kaso sa kaparehong panahon, nakita ng DOH na mas mabilis ang pagtaas ng lingguhang bilang lalo na sa pagpasok ng tag-ulan.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na naililipat ng mga may dala nito tulad ng daga. Pumupunta sa lupa ang kanilang dumi tulad ng ihi at tae at sumasama ang bacteria na nasa kanilang inilabas patungo sa tubig at maging sa mga tanim.

Nakakapasok ang leptospira bacteria sa balat ng tap sa pamamagitan ng sugat o kahit galos, mata, ilong at bibig.

Humahalo rin ang bacteria sa tubig baha at nakakapasok sa mga nagbababad sa baha.

Maaaring maging dahilan ng pagbagaak ng mga bato, pamamaga ng utak at spinal cord, masira ang atay, pagkahirap ng paghinga o kamatayan.

Kabilang sa mga simtomas ng leptospirosis ay lagnat, pagsusuka, pananakit ny kalamnan, pagkahilo at pananakit ng ulo.

Dalawa hanggang 30 araw ay maaaring magkasakit ang taong napasukan ng leptospira bacteria.

"Umiwas lumusong o maglaro sa baha para wag ma-Lepto. Kung hindi maiwasan ang paglusong, gumamit ng bota, at hugasan agad ang katawan ng malinis na tubig at sabon pagkatapos. Kumonsulta sa doktor, mahirap na," ayon kay Health Secretary Teodoro J. Herbosa.


"We also urge our local governments to declog flood drains and implement rodent control so that there will be less chances for transmission to humans," dagdag pa ng Health Secretary.

Ang leptospirosis ay maaaring magamot basta't madadala agad sa doktor o sa ospital ang biktima.

Mayroong prophylaxis na antibiotic para rito.

(Mga kuha ni Dexter Terante)