Siyam na Chinese nationals na nakasakay sa tatlong motorboats at pababa sa Parañaque Fishport sa Barangay Dongalo, Parañaque City ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) noong hapon ng Hunyo 29, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Sinabi ni BI intelligence division (ID) Chief Fortunato Manahan, Jr., na ilang buwan din silang nagsagawa ng pagsubaybay at pag-ipon ng mga ebidensiya makaraang makatanggap ng ulat na may mga Chinese nationals na sumasakay at bumababa sa mga sasakyang pandagat sa Manila Bay.

Natiyempuhan ng mga tauhan ng BI Intelligence Division sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines ang 9 na Chinese nationals na bumaba ng mga bangka at papasakay na sana sa naghihintay na van sa mga ito sa Manila Bay, bahagi ng Parañaque City;

Ang mga inaresto na nasa pagitan ng edad na 33 hanggang 54 ay sina Li Weilin, Liu Peng, Wang Yong, Huang Haibing, Gong Yuan Ju, Zhang Tao, Dai Guang Yuan, Li Jiang Yu, at Kang Tian De.

Apat sa mga ito ay mayroong pasaporte at 9G visas mula sa nagpetisyon sa kanilang engineering company sa Pilipinas. Gayunman, ang limang iba pa ay walang dokumento.

Sinabi rin ng BI na bagaman at ang apat na dokumentado ay nakarehistro sa isang kumpanya sa Pasay City, may posibilidad na nagta-trabaho ang mga ito sa isang lugar na kung saan nagkakaroon ng paghuhukay, na isang paglabag sa kanilang working visa.

"We have reason to suspect that these individuals are engaging in illegal work in vessels along Manila Bay. Their visas limit their work to a company in Pasay City and nowhere else. Foreign nationals with valid working visas, if found to be working in a different company, are violating the conditions of their stay," ayon kay BI Chief Norman Tansingco.

Naka-detine ngayon sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang 9 na Chinese nationals.