Isang police operation na inihingi lamang ng tulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naganap na pagsuko at pagdakip kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy noong Linggo, Setyembre 8, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page ni DILG Secretary Benhur Abalos)

Sa panayam ng mga tagapag-ulat sa Malakanyang, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na si Quiboloy ang nanghingi ng presensiya ng militar dahil wala umano itong tiwala sa kapulisan.

News Image #2

(Larawan mula sa Presidential Communications Office / Radio TV Malacanang)

Nagpadala ng surrender feelers si Quiboloy bandang alas 8:00 hanggang alas 9:00 ng umaga noong Linggo, ayon pa sa Pangulo. Pumayag naman si Marcos sa kahilingan ni Quiboloy na magpadala ng militar dahilan para sumuko ito sa nakipagnegosasyon mula sa Intelligence Service of the AFP (ISAFP) noong hapon. Isang C-130 na eroplano ang ipinadala sa Davao City upang kunin si Quiboloy at dalhin sa Manila.

Subalit nilinaw pa rin ni Marcos na ang pagsuko at pagdakip kay Quiboloy ay isang operasyong pinangunahan ng pulista.

''It was a police operation. Kung anuman ang involvement ng AFP diyan ay, as I said, augmentation," ang pahayag ni Marcos,

Kasama ring sumuko at naaresto ang mga kasamahan ni Quiboloy sa KOJC na sin Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Crisente Canada, at Syliva Cemañes.

Una rito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na binigyan nila ng ultimatum si Quiboloy na 24 oras para sumuko, kung hindi ay susugurin na ang pinagtataguan nitong gusali sa KOJC compound sa Davao City.

Sinabi ni Marcos na ang pagpupursige ng kapulisan na maaaresto si Quiboloy ang nakikita niyang dahilan kung bakit napuwersa na itong sumuko.

''The question that is being asked (kagabi pa) hanggang ngayon ay nag-surrender ba o nahuli? I think that is a legal question. Pero ganito ang iniisip ko, hindi siya lilitaw kung hindi namin hinabol nang husto," ayon sa Pangulo.

Si Quiboloy ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Mayroon din itong kasong walang piyansa na qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamiyendahan, sa korte sa Pasig.

Itinanggi ni Quiboloy ang lahat ng mga paratang sa kanya.