Mahigit tatlong bilyong piso ang ibinigay na pera ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa taong ito upang tulungang mapalakas pa ang tropa ng Pilipinas.
Gayunman, bumagsak ng 54 na porsiyento ang ibinigay na pera ng BCDA sa AFP sa taong ito kumpara noong isang taon.
Mula sa dating P7.21 bilyon noong isang taon, ang nai-remit ng BCDA sa AFP ngayong taon ay nasa P3.31 bilyon lang dahil sa pagkaantala ng clearing at pag-turnover sa developer ng isang bahagi ng Bonifacio South Pointe property bunga naman ng pandemya ng Covid-19.
Binigyan din ng pera ng BCDA ang magkakatabing siyudad na Taguig at Makati at ang Pateros na P4.79 milyon.
Mayroon ding ibinahaging P235.08 milyon ang BCDA sa mga ahensiya tulad ng National Housing Authority, National Home Mortgage Finance Corp., Home Insurance Guaranty Corp., Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Philippine Health Insurance Corp., Department of Science and Technology, Department of Social Welfare and Development, at Department of Labor and Employment.
Sinabi ni Acting President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang sa isang pahayag na, "BCDA always ensures that our Armed Forces receive the biggest chunk from our gross disposition income every year. Our consistent contribution to the military is possible through great efforts to sustain our robust financial standing, bolstered by excellent collection efforts and sound management."
Simula nang maitatag ang BCDA noong 1992, ang naibigay na nito sa AFP ay nasa P59.71 bilyon na. Batay sa mandato ng BCDA sa ilalim ng Republic Act 7227 o ang Bases Conversion and Development Act, ang mga kinikita nito ay galing sa pagbebenta, pagpapaupa o joint venture arrangements sa pribadong sektor sa mga dating kampo militar sa Metro Manila.
Ang mga kinitang ito ay ibinibigay sa Bureau of Treasury bawat taon at ipinamamahagi ng Department of Budget and Management sa AFP at sa iba pang benepisyaryo.
AFP, Taguig City at Iba Pang Ahensiya, Binigyan ng Pera ng BCDA | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: