Mahigit sa P300, 000 ang nakumpiskang hinihinalang shabu sa dalawang lalaki sa Taguig City - ang isa ay sinilbihan ng search warrant at ang isa naman ay nahuli sa buy-bust operation nitong nakaraang linggo.

Nagsagawa ng pagsasaliksik sa bahay ni alyas Bungal, 40 taong gulang, sa Barangay Bambang, Taguig City noong alas 3:30 ng hapon ng Agosto 28, 2024, ang mga tauhan ng Ususan Police Sub-station 4 sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Barangay Bambang.

News Image #1


Batay ito sa search warrant na ipinalabas ni Kagalang-galang Byron San Pedro, Executive Judge ng Regional Trial Court ng Branch 15-Family Court ng National Capital Judicial Region ng Taguig City.

Nang saliksikin ang bahay ni Bungal, nakuha rito ang siyan na plastic sachet na nakasara at may lamang puting kristal na hinihinalang shabu at may timbang na 15 gramo. Tinayayang nasa ₱102,000.00 ang halaga nito, kasama ang mga drug paraphernalia.

News Image #2


Samantala, noong Agosto 22, 2024, naaresto naman sa isang buy-bust operation si alyas Alexander, 48 taong gulang, sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

Ayon sa Taguig Police Drug Enforcement Unit, nagpanggap ang ahente nila na bibili ng shabu kay Alexander at huli ito sa aktong nagbebenta ng naturang ipinagbabawal na gamot.

Nakumpiska sa suspek ang 9 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na ang timbang ay 30.46 gramo at ang halaga ay nasa P207,128. Nabawi rin ang tunay na P500 pera at anim na P1, 000 na boodle money.

Ang dalawang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(Larawan ng Taguig City Police)