Tatlong mga dayuhan ang nadagdag sa mga nakakulong ngayon sa detention center ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.

Isang Amerikano at dalawang Koreano ang pinakahuli sa mga naaresto ng BI fugitive search unit (FSU) sa magkakahiwalay na lugar sa bansa.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Naaresto noong Disyembre 2, 2024 sa Kabankalan City, Negros Oriental ang Amerikanong si Paul Raymond Ross, 66 taong gulang, na wanted sa Pennsylvania, USA dahil sa panghuhuthot at pananakot.

Nasentensyahan na sa Estados Unidos si Ross ng 27 buwan sa bilangguan at tatlong taon ng supervised release subalit lumabas ito ng kanyang bansa at nagtungo sa Pilipinas.

Noong Disyembre 3, 2024 naman, inaresto sa Lapu-Lapu City, Cebu ang dalawang Koreanong lumampas na sa panahon ng takdang pananatili sa bansa. Kinilala ang mga ito na sina Jung Yunjae, 26 taong gulang at Jeon Hyeonuk, 41 taong gulang na wanted naman sa kanilang bansa dahil sa kasong kidnapping.

May outstanding warrant of arrest ang dalawa mula sa Ulsan District Court sa Korea kung saan may kaso ang mga itong nanghikayat sa biktima nila na magtrabaho sa Cambodia bilang modelo ng mga bastos na patalastas.