Itinaas sa P35 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang minimum wage sa mga nagta-trabaho sa mga pribadong establisamyento sa National Capital Region (Metro Manila) batay sa inisyung Wage Order No. NCR-25 noong Hunyo 27, 2024.

Opisyal na inilabas ng National Wages and Productivity Commission ang anunsyo sa pagtataas ng minimum wage sa mga nagta-trabaho sa Metro Manila kahapon, Hulyo 1, 2024, at magiging epektibo sa Hulyo 17, 2024.

Mula sa P610 na arawang sahod, magiging P645 na ang minimum wage sa mga nasa non-agriculture sector. Ang mga nasa agriculture sector naman, nasa service at retail establishments na may 15 pababa na mga manggagawa ay itinaas sa P608 mula sa P573.

News Image #1


Ang huling pagtataas ng sahod sa mga pribadong establisamyento sa rehiyon ay naging epektibo noong Hulyo 16, 2023.

Tataas ng 5.7% ang arawang minimum na sahod sa NCR simula ngayong Hulyo 17, na ayon sa pamahalaan ay angat pa rin sa kasalukuyang regional poverty threshold para sa pamilya ng lima. Dahil din dito, tumaas ng 5% ang mga benepisyong may kinalaman sa sahod katulad ng 13th month pay, service incentive leave (SIL), at social security benefits tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG.

Ang pagtaas ng minimum wage ay magbebenepisyo sa may 988,243 sumusuweldo ng minimum wage sa NCR.

Maaari namang mag-apply para hindi maisali sa pagtataas ng minimum wage ang mga retail o service establishments na may mga regular na manggagawang hindi hihigit sa 10 at ang mga kumpanyang naapektuhan ng natural na kalamidad o sakunang likha ng tao. Maaaring mag-apply ang mga ito para sa exemption sa pagtataas ng sahod sa RTWPB, batay sa NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination.

Ang mga Barangay Micro Business Enterprise (BMBEs) ay hindi rin sakop ng minimum wage law batay sa Republic Act No. 9178 [2002].

Para sa dagdag na katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB NCR sa email address na: [email protected].