Hindi umano makapagsalita ang babaeng pulis na asawa ng isang police lieutenant colonel na bumaril at nagputol-putol sa katawan ng diumano ay kalaguyo nito na isa ring pulis sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

News Image #1

(Larawan ng Baguio City Police)

Ayon kay Brig. Gen. Jean Fajardo, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na-trauma si Police Executive Master Sergent Rosemarie Pascua nang patayin sa kanyang harap si Police Executive Master Sergeant Emmanuel De Asis ng kanyang asawang si Police Lt. Col. Roderick Pascua.

"May kaunting trauma ang babae, hindi siya makapagsalita kahit kanino. Na-shock siya at na-trauma," ang pahayag ni Fajardo sa media.

Sinabi pa ni Fajardo na inutusan ng suspek ang kanyang asawa na kumuha ng hacksaw para pagputul-putulin ang katawan ng biktima makaraang ito ay barilin.

Ang labi ng biktima ay inilibing sa lupain ng suspek sa Baguio City.

Naganap ang pagpaslang kay De Asis sa Married Non-Officers' Quarter sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa noong Nobyrembre 28 makaraang mahuli ni Pascua na diumano ay nagniniig ang kanyang asawa at si De Asis.

Sinabi ni Fajardo na nasa restrictive custody ngayon ang mag-asawang Pascua.

Samantala, nagharap na ng reklamong pagpatay ang Taguig City Police laban kay Pascua sa Department of Justice noong nakaraang Biyernes.