Sinimulan na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kanilang administratibong imbestigasyon laban sa isang lieutenant colonel ng pulisya at asawa nitong sinasabing may kinalaman sa pagbaril at pagputol-putol sa labi ng isang sarhento sa loob mismo ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City noong Nobyembre 28, 2024.

News Image #1

(Larawan ng Taguig.com)

Sinampahan na ng kasong kriminal ang mag-asawang Roderick at Executive Master Sergeant Rosemarie Pascua kaugnay ng pagkamatay ng 55 taong gulang na pulis-Palawan na si Police Executive Master Sergeant Emmanuel De Asis.

"The suspects were immediately placed under restrictive custody. If evidence warrants and after the appropriate legal process are undertaken, the suspects involved should be dismissed from the service while facing the criminal cases against them," ayon kay NCRPO director Brig. Gen. Anthony A. Aberin.

Ang suspek na lieutenant colonel na nakatalaga sa Police Community Relations ng Southern Police District, ay umamin na pinatay niya si De Asis sa loob ng kanilang quarters na mag-asawa sa NCRPO headquarters sa Taguig City noong Nobyembre 28, dahil umano nakita niyang may ginagawang malaswa ang biktima at ang kanyang asawa.

Inutusan diumano ng suspek ang kanyang asawa na nakatalaga naman sa Regional Mobile Forces Battalion ng NCRPO, na kumuha ng hacksaw. Pinagputol-putol ni Pascua ang labi ni De Asis, isinilid sa dalawang sako at saka ibinaon sa lupa nito sa Baguio City.

Napag-alaman na kasama rin ng suspek ang kanyang asawa nang magtungo sa Baguio upang ilibing ang biktima.

"There will be no stone left unturned in this investigation. The pieces of evidence are overwhelming and I specifically instructed concerned units to ensure the filing of airtight criminal and administrative cases against the suspects," ayon pa kay Aberin.

Ayon naman kay Brig. General Jean Fajardo, hindi pa rin makausap ng maayos ng mga imbestigador ang asawa ng suspek dahil umano sa trauma.

"So we have not yet obtained her version of the story. But what's important here is we already established there is definitely murder in this case and then another case, the mutilation and possibly, the attempt to hide this incident," ayon kay Fajardo.

Sa karagdagang pagsisiyasat, nalamang magkaklase dati sina De Asis at ang asawa ng suspek sa isang schooling na nagsimula noong Abril hanggang Nobyembre ng taong ito.