P35, 000 piso ang naiuwi ni Joel Jermillo para sa kanyang Avatar Fish na saranggolang idineklarang kampeon sa isinagawang Kite Flying Competition ng Taguig City noong Sabado ng hapon, Mayo 19, 2024, sa TLC Park, C6, Barangay Lower Bicutan, Taguig City.

News Image #1


Bilang selebrasyon ng ika-437 anibersaryo ng pagkakatatag ng Taguig, ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng Sports Development Office, ay nagsagawa ng kite flying competition na may temang Lipad Lipunang Maunlad.

Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagtanggap sa 88 mga kalahok sa kaganapan na naglalayong maipakilala ang kultura ng Taguig sa pamamagitan ng mga disenyo ng mga saranggola, at magkaroon din ng kaganapan ng kasiyahan para sa mga Taguigeño.

News Image #2


Nanalo naman ng P25, 000 para sa kanyang saranggolang Zebra Butterfly si Jelsoj Arriola bilang first runner-up. Ang ikalawang runner-up na si Emiliano Viar ay nagwagi ng P15, 000 para sa kanyang saranggolang pinangalanang Monarch. Ang 3rd runner-up naman ay si Cyril John Arellano na nagkamit ng P10, 000 para sa kanyang saranggolang tinawag na Box Kite.

News Image #3


May tig-P5, 000 ang mga nagwagi ng special awards tulad ni JayB Palazon na tinaguriang Most Artistic Kite ang kanyang Philippine Eagle. Biggest Kite naman ang Triangular Box Kite ni Redsell Kurt Rodilas. At ang Smallest Kite ay ang saranggola ni Mark David Visaya na pinangalanan nitong Small But Terrible.

News Image #4


May pinili pang Top Twenty Winners na nakatanggap ng tig P4, 000 at ang iba pa ay nakapag-uwi ng tig P2, 000 bilang consolation prize.

Inihalintulad naman ni Cayetano ang pagpapalipad ng saranggol sa mga pagsubok sa buhay.

"Ang ganda ng representasyon ng saranggola. Habang pasalungat sa hangin, habang papalakas ang hangin, makikita mas lalo siyang lumalaban at mas lalong tumataas. Lagi at lagi meron tayong mararanasan na mga pagsubok, mga bagay na magsisilbing balakid sa mga gusto nating marating. Pero gaano man katindi ang ihip ng hangin, lalo naman dapat tayong magpursige bilang isang lungsod."

Pinasalamatan naman ng pangulo ng Saranggola Pilipinas na si AJ Manaog sa suportang ibinigay ng pamahaalang lungsod ng Taguig sa adbokasiya ng mga ito kaugnay ng pagpapalipad ng saranggola.


(Mga larawan mula sa Taguig PIO)